Lumutang sa Senado ang dating DPWH Bulacan 1st District Engineer na si Henry Alcantara matapos niyang isiwalat ang umano’y pagkakasangkot ng ilang mambabatas sa anomalya sa flood control projects.
Sa pagdinig kanina Setyembre 23, 2025 ng Senate Blue Ribbon Committee, diretsahang pinangalanan ni Alcantara sina Senators Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, at Bong Revilla, pati na rin si Ako Bicol Rep. Zaldy Co, bilang mga personalidad na umano’y konektado sa mga kontrobersyal na flood control projects.
Ayon sa kanyang pahayag, may nakalaang ₱150 milyon sa 2024 budget na nakatala sa pangalan ni Villanueva, subalit hindi umano direktang alam ng senador na ginamit ito para sa flood control. Dagdag pa rito, binanggit din ang ₱355 milyon na naka-assign para kay “SJE,” na iniuugnay kay Estrada.
Si Revilla naman ay pinangalanan bilang tumanggap umano ng bahagi ng ₱300 milyong budget insertion, habang si Co ay idinadawit din sa umano’y iregularidad sa pagpapatupad ng mga proyekto.
Paliwanag ni Alcantara, nagpasya siyang lumantad dahil sa banta sa kanilang kaligtasan ng pamilya. Pagkatapos ng kanyang pagdinig sa Senado, dinala siya sa Department of Justice (DOJ) para suriin ang kanyang testimonya at matukoy kung maaari itong magsilbing ebidensya laban sa mga mambabatas.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Senado at DOJ. Nangako ang mga awtoridad na pananagutin ang sinumang mapapatunayang lumabag sa batas at nakinabang sa anomalya.








Be First to Comment