Nagkaroon ng tensyon sa isang special screening ng pelikulang Quezon matapos harapin mismo ni Ricky Quezon Avanceña, apo ni dating Pangulong Manuel L. Quezon, ang direktor na si Jerrold Tarog at aktor na si Jericho Rosales.
Sa gitna ng Q&A portion ng event, diretsahang tinanong ni Avanceña kung layunin ng pelikula na gawing “political satire” ang buhay ng kanyang lolo. Hindi rin niya itinago ang kanyang pagkadismaya, sinasabing nilalapastangan umano ng pelikula ang alaala ng dating Pangulo at ng ilang pamilyang Quezon.
Sa kanyang social media post, ginamit ni Avanceña ang matitinding pananalita laban sa mga gumawa ng pelikula. Ayon pa sa kanya, “Allow me to channel my Lolo, pnyeta, mga kpal kayo!” kasabay ng paghamon sa mga manonood at sa production team na harapin ang pamilya Quezon.
Samantala, naglabas ng opisyal na pahayag ang TBA Studios, ang production company sa likod ng pelikula, na nagsabing iginagalang nila ang saloobin ng apo ng dating Pangulo ngunit iginiit nilang ang Quezon ay nakabatay sa mga beripikadong tala ng kasaysayan, bagaman may ilang elementong kathang-isip para sa layuning pampelikula.
Dagdag pa ng studio, layunin ng pelikula na maipakita ang mas kumplikadong pagkatao ni Quezon at maiparating sa mga manonood ang bigat ng mga desisyong ginawa niya sa kasagsagan ng pananakop.
Ang Quezon ay ikatlong bahagi ng tinaguriang “Bayaniverse” trilogy ni Tarog, na sinimulan ng Heneral Luna at sinundan ng Goyo: Ang Batang Heneral. Sa pelikula, ginagampanan ni Jericho Rosales ang papel ni Quezon bilang lider na may halong kahinaan at tapang—isang interpretasyong nagpasiklab ng mainit na diskusyon sa pagitan ng mga tagapagtanggol ng kasaysayan at mga alagad ng sining.













Be First to Comment