Ipinahayag ni dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV na posibleng umusad na ang mga kaso laban kay Vice President Sara Duterte matapos ang pag-upo ng bagong Ombudsman na si Jesus Crispin “Boying” Remulla. Ayon kay Trillanes, tapos na umano ang panahon ng “proteksyon” dahil nagwakas na ang termino ni dating Ombudsman Samuel Martires.
Sa panayam na inilathala ng Abante TNT noong Oktubre 22, 2025, sinabi ni Trillanes na naniniwala siyang may mga kasong kriminal at administratibo laban kay Duterte na matagal nang hindi gumagalaw dahil sa umano’y impluwensiya ni Martires. Ngayon daw, may pag-asa nang mabigyang-daan ang mga ito sa ilalim ng bagong pamunuan.
“Wala na ‘yung protektor. May bago nang Ombudsman, kaya aasahan nating gagalaw na ang mga kaso,” ani Trillanes.
Dagdag pa ng dating senador, posible ring maibalik sa usapan ang impeachment laban sa Pangalawang Pangulo, lalo na kung masimulan muli ang mga imbestigasyon hinggil sa mga isyung kinahaharap nito.
Bagaman hindi pa kumpirmado kung may mga bagong reklamong pormal na inihain laban kay VP Sara, iginiit ni Trillanes na mahalaga raw ang papel ng Ombudsman sa pagtiyak na ang mga kasong nakabinbin ay mabibigyang-pansin at aksyon.
Sa ngayon, wala pang pahayag ang kampo ni VP Sara Duterte hinggil sa mga panibagong pahayag ni Trillanes. Samantala, inaabangan ng publiko kung may mga konkretong hakbang na gagawin ang bagong Ombudsman kaugnay ng mga alegasyong ito.








Be First to Comment