Tahimik man ang kanyang pag-alis noong Agosto 17, 2023, nananatili ang lakas ng imprinto ni Angie Ferro sa sining na minahal niya. Sa tuwing binabalikan ang kwento ng teatro at pelikulang Pilipino, hindi nawawala ang pangalan niyang ilang dekada ring naging mukha ng husay at paninindigan sa pag-arte.
Si Angie Ferro o Angelica Caballero Ferro sa totoong buhay ay ipinanganak noong Agosto 4, 1937 sa Baleno, Masbate, siya y may higit limang dekadang karera na sumaklaw sa teatro, telebisyon at pelikula. Nagsimula ang kanyang propesyonal na pag-arte noong 1969 bilang miyembro ng Philippine Educational Theater Association (PETA), at agad siyang nakilala dahil sa mga makapangyarihang dula tulad ng Trojan Women, kung saan ginampanan niya si Hecuba sa Manila Metropolitan Theater.
Hindi rin matatawaran ang kanyang kontribusyon sa Teatro Pilipino, kung saan lumabas siya sa mga produksyong Ang Butihing Babae ng Sitsuan at Ang Reyna at Mga Rebelde, na naglatag ng pundasyon sa kanyang reputasyon bilang isa sa pinakamahusay na aktres ng kanyang henerasyon.
Sa pelikula, tumatak siya sa mga proyektong nagmarka sa kasaysayan ng industriya. Kabilang dito ang Pagputi ng Uwak… Pag-itim ng Tagak (1978), na nagpanalo sa kanya ng FAMAS Best Supporting Actress. Mas lalo siyang muling nakilala sa makabagong panahon dahil sa 2019 film na Lola Igna, kung saan siya ang bida. Nagwagi siya bilang Best Actress sa Pista ng Pelikulang Pilipino at Urduja Heritage Film Awards dahil sa maselan at makataong pagganap sa isang nakatatandang ina na naging simbolo ng lakas, pag-asa at pagninilay sa pagtanda.
Patuloy siyang nagtrabaho hanggang sa huling mga taon ng kanyang buhay. Lumabas siya sa Nocebo (2022) at sa adaptasyon ng Ang mga Kaibigan ni Mama Susan (2023). Hindi man siya nakadalo sa mga premiere dahil sa mahinang kalusugan, nanatiling mataas ang paggalang sa kanya ng mga kapwa artista. Ilang ulat ang nagsasabing nagkaroon siya ng stroke at isang minor accident na humantong sa matagal na gamutan, kung saan tumulong ang mga kasamahan niya sa industriya.
Sa kanyang pagpanaw noong Agosto 17, 2023, muling binalikan ng maraming artista, direktor at manonood ang malawak at matibay niyang kontribusyon. Si Angie Ferro ay itinuturing na simbolo ng dedikasyon at sining, isang paalala na ang talento at puso sa pag-arte ay hindi nasusukat sa edad o kasikatan, kundi sa lalim ng kwentong ibinibigay sa mundo.
Ang kanyang mga nagawa at alaala ay patuloy na magliliwanag sa sining na iniwan niyang mas makulay at mas makahulugan.






Be First to Comment