Isinampa ngayong araw sa Office of the Ombudsman ang mga kasong plunder at graft laban kay dating Narvacan, Ilocos Sur Mayor Luis “Chavit” Singson, at ilan pang opisyal ng lokal na pamahalaan. Ang reklamo ay inihain ng grupong Warriors ti Narvacan, Inc., na humihiling ng imbestigasyon sa umano’y katiwalian at maling paggamit ng pondo ng bayan.
Ayon sa grupo, ginamit umano ni Singson ang kanyang posisyon upang bilhin ang halos 10 ektaryang lupain ng Western Textile Mills, Inc. noong 2019, gamit ang pondo ng bayan. Ang nasabing lupa ay nabili sa halagang ₱149.9 milyon, ngunit ang tunay na halaga raw nito ay nasa ₱49.9 milyon lamang. Ipinunto ng grupo na mahigit ₱100 milyon ang nawalang pondo ng gobyerno sa naturang transaksyon.
Bukod dito, inihain din ang reklamo hinggil sa umano’y ilegal na okupasyon sa baybayin ng Sulvec, kung saan itinayo raw ni Singson ang isang Santorini-style resthouse. Kasama rin sa mga iniimbestigahan ang ilang lokal na opisyal na sangkot umano sa pagpapatayo ng naturang istruktura sa lupang pag-aari ng gobyerno.
Kasama sa mga reklamo ang panawagan na busisiin ng Ombudsman ang umano’y maling paggamit ng tobacco excise tax funds noong termino ni Singson bilang alkalde. Ayon sa grupo, may bilyon-bilyong pisong halaga ng pondo para sa Ilocos Sur ang ginamit sa mga proyektong hindi malinaw ang dokumentasyon at pinagmulan.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag si Chavit Singson tungkol sa mga kasong inihain laban sa kanya. Sa mga nakaraang panayam, kilala si Singson sa pagiging matapang sa pagsagot sa mga kritisismo, at madalas na igiit ang kanyang pagiging “malinis” sa serbisyo publiko.
Ang mga kasong plunder at graft ay kabilang sa pinakamabibigat na kasong kriminal sa ilalim ng batas, at kung mapatunayang nagkasala, maaari itong humantong sa habambuhay na pagkakakulong at pagbawi ng mga ari-arian.
Sa ngayon, nakabinbin ang mga reklamo sa Office of the Ombudsman, na inaasahang magsasagawa ng imbestigasyon bago magpasya kung may sapat na batayan upang sampahan ng pormal na kaso si Singson at ang mga kasama nito.








Be First to Comment