Nagdulot ng malaking pag-uga sa Kamara ang pahayag ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez hinggil sa kanyang planong pagbibitiw sa puwesto. Sa isang pulong kasama ang mga lider ng Kamara, inihayag umano ng Speaker na oras na upang ipagtanggol ang institusyon sa gitna ng mga kontrobersya kaugnay ng mga flood control projects.
Ayon kay Deputy Speaker Ronaldo Puno, personal na sinabi ni Romualdez sa kapwa mambabatas ang kanyang desisyon na bumaba sa posisyon ngayong araw. Idinagdag pa nito na si Deputy Speaker Faustino “Bojie” Dy III ng Isabela ang inirerekomenda ng kasalukuyang Speaker bilang kanyang kahalili.
“Voluntary decision ito ni Speaker Romualdez. Wala itong impluwensya mula sa labas. Siya mismo ang nagsabing ito ang tamang hakbang para mapanatili ang reputasyon ng Mababang Kapulungan,” ani Puno.
Gayunpaman, may ilang lider ng partido ang nagmumungkahi na imbes na tuluyang magbitiw ay mag-leave of absence muna si Romualdez upang bigyan siya ng panahon at espasyo sa gitna ng mainit na isyu.
Nakatakdang magpulong ngayong umaga ang mga lider ng Kamara upang talakayin at isapinal ang magiging proseso bago ang pagbubukas ng sesyon alas-3:00 ng hapon. Inaasahang ilalatag dito ang mga susunod na hakbang kung saan posibleng maupo si Bojie Dy bilang bagong Speaker.
Ang hakbang na ito ay inaabangan ng publiko at mga kapwa mambabatas, sapagkat posibleng magkaroon ng malaking epekto hindi lamang sa pamunuan ng Kamara kundi pati sa direksyon ng mga mahahalagang batas at imbestigasyon sa bansa.








Be First to Comment