DAVAO CITY – Naglabas ng matapang na pahayag si Davao City Representative Paolo “Pulong” Duterte kaugnay sa umano’y babala ng grupong 1Sambayanan sa ibang mga bansa na huwag tanggapin si dating Pangulong Rodrigo Duterte sakaling payagan ito ng ICC na makalaya pansamantala habang nililitis ang kasong kaugnay ng “war on drugs.”
Ayon kay Cong. Pulong, tila nakakalimot ang 1Sambayanan sa mga mas mabibigat na krimen na kinaharap ng bansa — gaya ng pagkidnap sa kapwa Pilipino, pananakot ng mga drug lord, at pag-atake ng mga armadong rebelde — ngunit wala umanong naging pahayag ang grupo hinggil dito.
“Isang mamamayan ng ating Republika ang dinukot ng kapwa nating Pilipino pero wala tayong narinig mula sa 1Sambayanan. Wala rin silang sinabi noong pinahirapan ng mga drug lord at NPA ang ating mga kababayan. Pero ngayon, kay laki ng effort nila para balaan ang ibang bansa na huwag tanggapin ang sarili nating Pangulo,” ani Duterte.
Idiniin ni Duterte na maraming bansa ang nagpahayag ng paghanga sa naging kampanya ni dating Pangulong Duterte laban sa kriminalidad at ilegal na droga, at hindi raw kataka-taka kung may mga estado na handang tumanggap sa kanya.
“Ang international community ay hindi bulag. Walang krimeng ginawa laban sa sangkatauhan kundi isang lehitimong aksyon ng isang lalaking may tapang na isalba ang bayan sa droga at krimen,” dagdag ng kongresista.
Ipinanawagan din ni Cong. Pulong ang pag-unawa sa estado ngayon ng kanyang ama na aniya’y mahina na at matanda na. Dagdag pa niya, wala na itong balak pumasok muli sa politika at tanging hangarin na lamang ay makabalik sa Pilipinas at makapiling ang kanyang pamilya.
Mariin ding binanatan ng kongresista ang 1Sambayanan at tinawag itong kakampi ng Makabayan bloc na umano’y pinopondohan ng isang personalidad na tinukoy niyang “Tambangag” na may ambisyong tumakbo sa pagkapangulo sa 2028.
“Ang masakit, ang mismong bayang kanyang pinagsilbihan, ay hindi na siya matanggap — dahil sa mga lider na ngayo’y pinagtataksilan siya,” ani Duterte.
Sa dulo ng kanyang pahayag, nanawagan si Cong. Pulong sa publiko:
“Ako’y nananawagan sa kapwa nating Pilipino — ipagdasal natin si FPRRD. Nawa’y makabalik siya sa bansang kanyang buong pusong minahal at tapat na pinagsilbihan.”











Be First to Comment