Press "Enter" to skip to content

ICC, Inutos ang Medical Exam kay Duterte Para Alamin Kung Fit Harapin ang Paglilitis

Iniutos ng International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I ang isang medical examination kay dating Pangulong Rodrigo Duterte upang matukoy kung siya ay pisikal at mental na fit humarap sa paglilitis kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa tinaguriang war on drugs.

Ayon sa ICC, ang pagsusuri ay isasagawa ng tatlong independent medical experts na may espesyalisasyon sa forensic psychiatry, neuropsychology, at geriatric or behavioral neurology. Layunin nitong malaman kung may kakayahan pa si Duterte na “maayos na gamitin ang kanyang mga karapatang legal” habang nagpapatuloy ang proseso ng paglilitis.

Itinakda ng korte na isumite ng mga eksperto ang kanilang ulat sa Oktubre 31, 2025, habang may hanggang Nobyembre 5 naman ang kampo ng depensa, prosekusyon, at mga kinatawan ng mga biktima para magpasa ng kanilang mga komento.

Nilinaw ng ICC na ang “fitness to stand trial” ay legal na desisyon at hindi lamang nakabatay sa medikal na resulta. Ang pagsusuri ay magsisilbing gabay sa korte upang malaman kung kailangan ng mga “special measures” o pagbabago sa proseso para matiyak na makikilahok nang maayos ang dating pangulo sa mga pagdinig.

Matatandaang iginiit ng kampo ni Duterte na hirap na umano itong makaalala ng mga pangyayari, lugar, at maging ng mga tao sa paligid niya, dahilan upang hilingin nilang ipagpaliban ang mga proseso. Gayunman, tinanggihan ng ICC ang kahilingan ng dating pangulo para sa interim release, sa pangambang maaari itong makaapekto sa pag-usad ng kaso at sa posibilidad ng flight risk.

Ang utos ng ICC na ipa-medical exam si Duterte ay itinuturing na mahalagang hakbang sa pagtukoy kung may kakayahan pa siyang personal na humarap at tumugon sa mga paratang laban sa kanya.

Ang desisyong ito ay nagdadagdag ng bagong yugto sa matagal nang isyung umiikot sa pagitan ng dating administrasyon at ng international tribunal, na patuloy na sinusubaybayan ng mga tagamasid sa loob at labas ng bansa.

Be First to Comment

Leave a Reply

Discover more from Sikat Trendz

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading