Nagpatuloy ang matagumpay na kampanya ng Pinay tennis sensation na si Alexandra “Alex” Eala matapos niyang tambakan ang Amerikanang si Kayla Day sa score na 6-2, 6-3 sa semifinals ng Guadalajara 125 Open nitong Sabado, Setyembre 6 (oras sa Pilipinas).
Bagama’t nahulog sa 0-2 simula ng unang set, mabilis na bumawi si Eala at tinapos ang set sa pamamagitan ng anim na sunod na panalo. Sa ikalawang set, agad siyang lumamang ng 2-0 ngunit muling nakahabol si Day. Gayunpaman, ipinakita ng 19-anyos na Filipina ang kanyang konsistensya at determinasyon upang makuha ang panalo sa loob lamang ng 1 oras at 8 minuto.
Sa kanyang pag-usad sa finals, naitala ni Eala ang kanyang ikalawang WTA final appearance matapos ang Eastbourne Open noong Hunyo 2025. Ngunit higit na mahalaga, may pagkakataon na siyang masungkit ang kanyang kauna-unahang WTA singles title.
Makakasagupa ng Filipina tennis prodigy ang Hungarian na si Panna Udvardy (world no. 134) sa championship match. Inaasahang magiging mahigpit na laban ito, ngunit buo ang tiwala ng mga kababayan ni Eala na kaya niyang maiuwi ang kampeonato at magtala ng bagong kasaysayan para sa Philippine tennis.









Be First to Comment