Kasado na umano ang Philippine National Police (PNP) sakaling maglabas na ng arrest warrant ang korte laban sa mga pinangalanang suspek sa kaso ng mga nawawalang sabungero, kabilang sina negosyanteng Charlie “Atong” Ang at aktres na si Gretchen Barretto.
Ayon sa ulat ng Abante, tiniyak ng PNP na nakahanda silang ipatupad ang anumang utos ng korte kaugnay ng naturang kaso. Ipinasa na ng Department of Justice (DOJ) sa panel ng mga piskal ang reklamo laban kina Ang at Barretto, na isinasangkot sa pagkawala ng ilang sabungero mula pa noong 2021 hanggang 2022.
Ang mga biktima ay huling nakitang buhay sa iba’t ibang lugar gaya ng Laguna, Batangas at Bulacan. Lumabas sa imbestigasyon na posibleng may koneksyon ang pagkawala ng mga ito sa mga ilegal na operasyon ng e-sabong.
Batay sa pahayag ng mga testigo, sinasabing si Ang umano ang “mastermind” sa pagkawala ng mga sabungero, habang kinasangkutan din si Barretto bilang isa sa mga konektado sa operasyon. Mariin namang itinanggi ng dalawa ang paratang at iginiit na wala silang kinalaman sa mga insidente.
Kasalukuyang nasa DOJ pa ang kaso para sa resolution—ibig sabihin, tinitingnan ng mga piskal kung may sapat na ebidensiyang isampa ito sa korte. Kapag natukoy na may probable cause, saka pa lamang ilalabas ang mga warrant of arrest.
Samantala, nananatiling nakaantabay ang PNP sa magiging desisyon ng DOJ at ng korte upang agad na kumilos sakaling aprubahan na ang paglabas ng mga warrant laban sa mga suspek.












Be First to Comment