Nag-uumapaw ang saya ngayon para kay Mommy Dionisia Pacquiao, ang ina ng pambansang kamao na si Manny Pacquiao, matapos kumalat ang balita na nakatakda na umano siyang magpakasal sa kanyang longtime partner na si Michael “Mike” Yamson.
Ayon sa mga ulat, napansin sa kamay ni Mommy Dionisia ang isang singsing na tila patunay ng nalalapit na pag-iisang dibdib ng magkasintahan. Si Mike, na mas bata sa kanya ng 26 na taon, ay matagal nang nakikita sa mga espesyal na okasyon ng pamilya Pacquiao at kilala na rin ng publiko bilang matagal nang katuwang sa buhay ng tinaguriang “Pacmom.”
Higit isang dekada nang magkasama sina Mommy Dionisia at Mike, at sa kabila ng malaking agwat sa edad, nanatiling matatag ang kanilang relasyon. Ngayon, tila handa na silang dalhin sa mas seryosong yugto ang kanilang pagsasama.
Wala pang opisyal na petsa o lugar ng kasal na inihahayag ang magkabilang panig, ngunit marami na ang nag-aabang sa magiging engrandeng selebrasyon na posibleng dalo ng buong pamilya Pacquiao at mga malalapit na kaibigan.
Si Mommy Dionisia ay kilala hindi lamang bilang ina ni Manny Pacquiao kundi bilang isang personalidad na mahilig sa sayawan, magarbong kasuotan, at masayahing presensya sa entablado. Kung matutuloy, ang kanyang nalalapit na kasal ay isa na namang makulay na kabanata sa kanyang buhay na tiyak na susubaybayan ng publiko.




Be First to Comment