Press "Enter" to skip to content

Kaufman, itinangging pinagbawalan si Honeylet na dalawin si Duterte sa ICC

Mariing itinanggi ni Atty. Nicholas Kaufman, pangunahing abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang mga paratang ni Honeylet Avanceña na siya umano ang nagpabawal sa pagdalaw nito sa dating pangulo na kasalukuyang nakakulong sa International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Avanceña, biglaan siyang sinabihang hindi na siya maaaring makadalaw kay Duterte habang nasa loob na siya ng detention facility. “Limang minuto bago matapos ang dalaw, saka ko lang nalaman,” aniya sa panayam. Idinagdag pa niya na hindi man lang daw naabisuhan si Duterte na hindi na siya muling makakadalaw.

Hinala ni Avanceña, may kaugnayan ang suspensiyon sa isang tawag nila noong Hulyo 19 kung saan napag-usapan umano ang kaso ni Duterte—isang bagay na mahigpit na ipinagbabawal ng ICC sa mga non-legal visits. Dahil dito, direktang tinukoy ni Avanceña si Atty. Kaufman bilang umano’y may kinalaman sa pagbabawal, at sinabing tila siya lamang ang gustong makakausap ni Duterte.

Ngunit agad itong pinabulaanan ni Kaufman. Sa isang pahayag, nilinaw niyang walang abogado ang may kapangyarihang magtakda kung sino ang maaaring bumisita sa mga detainee ng ICC. “Ang mga desisyon ukol sa pagdalaw ay ginagawa ng ICC detention authorities at ng mga hukom, hindi ng mga abogado,” giit niya.

Tinawag din ni Kaufman na “mga maling akusasyon” ang mga sinabi ni Honeylet at iniuugnay ang mga ito sa matinding emosyonal na pinagdadaanan ng babae. Tumanggi na rin siyang magkomento sa mga personal o pampamilyang isyu upang mapanatili ang respeto at privacy ng bawat panig.

Kaugnay nito, tiniyak ng abogado na nasa maayos na kondisyon si Duterte at patuloy na tumatanggap ng araw-araw na pangangalaga mula sa mga medical personnel ng ICC.

Samantala, wala pang opisyal na pahayag ang ICC ukol sa naging basehan ng suspensiyon ng visitation rights ni Avanceña. Hindi rin malinaw kung may nilabag ngang patakaran si Honeylet sa naging pag-uusap nila ni Duterte.

Be First to Comment

Leave a Reply

Discover more from Sikat Trendz

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading