Nagpahayag ng panawagan ng panalangin si broadcast journalist at 24 Oras co-anchor Emil Sumangil, kaugnay ng banta at peligrong kinakaharap niya bilang bahagi ng kanyang trabaho sa pamamahayag.
Sa isang post sa kanyang Instagram account, ibinahagi ni Sumangil ang larawan ng isang kamay na may hawak na rosaryo, kalakip ang isang taos-pusong panalangin sa Panginoon. Isinulat niya:
“Iligtas mo ako sa banta’t peligrong dala ng aking trabaho, higit sa lahat sa tukso’t kasalanang lumalason sa aking puso’t isipan, Mahal na Panginoon.”
Hindi isiniwalat ng mamamahayag ang tiyak na detalye kaugnay ng mga bantang kanyang tinutukoy, ngunit marami ang humula na ito’y may kinalaman sa mga sensitibo at delikadong isyung kanyang iniimbestigahan at iniuulat bilang isang investigative journalist.
Kilala si Emil Sumangil sa kanyang matapang na pagbabalita sa mga isyung panlipunan, krimen, at katiwalian. Kaya’t hindi maiiwasang siya ay malagay sa alanganing kalagayan sa gitna ng kanyang hangaring maghatid ng katotohanan sa publiko.
Umani naman ng maraming suporta mula sa kanyang mga tagasubaybay, kasamahan sa industriya, at mga netizen ang kanyang panawagan. Marami ang nagpahayag ng panalangin at pag-asa na siya ay patuloy na gabayan at ingatan ng Diyos sa gitna ng kanyang mapanganib na tungkulin.




Be First to Comment