Sa unang araw pa lamang ng kanyang panunungkulan bilang bagong halal na gobernador ng Batangas noong Hunyo 30, 2025, agad hinarap ni Vilma Santos-Recto ang isang mainit na usapin—ang kontrobersyang nagsasabing Taal Lake ang diumano’y pinagtapunan ng mga bangkay ng mga nawawalang sabungero.
Sa kanyang unang press conference bilang gobernador, kaagad siyang tinanong kung ano ang epekto ng kumakalat na balita sa kabuhayan ng mga Batangueño, partikular ng mga mangingisda sa paligid ng Taal Lake.
Ayon kay Santos, ikinabahala niya ang posibleng negatibong epekto ng isyung ito sa imahe ng lalawigan at sa hanapbuhay ng maraming pamilya. Bagama’t wala pang pormal na kumpirmasyon mula sa mga awtoridad, lumalakas ang haka-haka na sa lawa nga itinapon ang mga bangkay ng ilang nawawalang sabungero na naiulat noong 2022.
“Pakiusap ko lang po, habang wala pang kumpirmasyon, huwag naman sanang sirain ang Taal Lake. Maraming umaasa dito—lalo na ang mga mangingisda,” pahayag ni Santos.
Ang nasabing isyu ay muling nabuhay matapos ang pagtestigo ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, na nagsabing ilang katawan ang itinapon umano sa Taal Lake bilang bahagi ng umano’y pagtakip sa pagkawala ng ilang sabungero.
Dahil sa mga ulat, maraming mamimili ang naging alanganing bumili ng isdang tulad ng tawilis, na sagana sa Taal Lake. Resulta nito, bumaba umano ang kita ng mga lokal na mangingisda, at nagkaroon ng takot at pangamba sa industriya ng pangingisda.
Ipinaabot ni Santos ang kanyang panawagan sa publiko na maghintay ng opisyal na resulta ng imbestigasyon at huwag basta-basta magpapaniwala sa mga walang patunay. Bilang gobernador, iginiit niyang ang kapakanan ng kanyang mga kababayan ang kanyang pangunahing prayoridad.
“Hayaan po nating umusad ang imbestigasyon. Huwag tayong maging mapanghusga agad. Magsalita lang tayo base sa totoo, hindi haka-haka,” dagdag pa niya.
Dagdag pa ni Gov. Santos-Recto, kasalukuyang binabantayan din ng pamahalaang panlalawigan ang aktibidad ng Bulkang Taal, na nasa Alert Level 1. Aniya, mas nararapat na bigyang pansin ang tunay na banta sa kaligtasan ng mga mamamayan kaysa sa mga hindi pa napatutunayang ulat.
Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) at Philippine National Police (PNP) kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero. Kasabay nito ang panawagan ng mga residente at lokal na opisyal na huwag hayaang masira ang imahe ng Taal Lake—na itinuturing na yaman ng lalawigan—dahil lamang sa mga alegasyong wala pang matibay na ebidensya.




Be First to Comment