Muling umingay ang kontrobersyal na kaso ng nawawalang sabungero matapos magsampa ng reklamo si businessman Charlie “Atong” Ang laban sa dating security aide niyang si Julie “Totoy” Patidongan.
Ayon kay Atty. Lorna Kapunan, abogado ni Ang, sinubukan umano ni Totoy na mangikil ng ₱300 milyon mula sa kanilang kampo kapalit ng pananahimik sa isyu ng pagkawala ng mga sabungero. “Meron kaming ebidensya,” diin ni Kapunan sa isang press conference.
Bukod kay Totoy, tinukoy rin ni Ang ang isang alyas Brown, o si Alan Bantiles, na kabilang sa mga sinampahan nila ng reklamo sa Mandaluyong Office of the City Prosecutor.
Mga Kasong Isinampa
Ang mga kasong isinampa ay kinabibilangan ng:
- Attempted robbery with violence and intimidation
- Grave threats
- Grave coercion
- Incriminating innocent persons
- Slander
Ito ay kasunod ng paglabas ng affidavit ni Totoy kung saan idinadawit hindi lamang si Atong Ang, kundi maging ang aktres na si Gretchen Barretto, sa umano’y pagkakasangkot sa pagkawala ng higit 100 sabungero.
Mariing Pagtanggi
Giit ni Atong Ang, wala siyang kinalaman sa sinasabing mga krimen. “Categorically and unequivocally, I deny all allegations,” aniya. Tinawag pa ni Atty. Kapunan na “zero credibility” si Totoy dahil sa umano’y criminal background nito na kinabibilangan ng frustrated murder at robbery.
Reaksyon ng DOJ at PNP
Kumpirmado mula sa Department of Justice (DOJ) at National Police Commission (NAPOLCOM) na kasalukuyang iniimbestigahan ang sinumpaang salaysay ni Totoy. Ayon kay NAPOLCOM Vice-Chair Rafael Calinisan, magiging bahagi ito ng mas malawak na fact-finding sa kaso.
Patuloy ang Paghahanap ng Katarungan
Ang mga sabungero ay naiulat na nawawala simula pa noong 2021. May mga haka-hakang itinapon umano ang kanilang mga bangkay sa Taal Lake, bagay na patuloy na sinusuri ng mga otoridad. Ang mga pamilya ng biktima ay humihingi ng hustisya habang nililinaw pa ang mga detalye sa isinasagawang imbestigasyon.








Be First to Comment