Ibinahagi ng beteranong aktor na si Anjo Yllana ang isang nakakatuwang alaala mula sa kanyang kabataan—ang naging maikling relasyon niya noon kay Kris Aquino. Sa isang panayam ng aktres na si Snooky Serna sa kanyang YouTube talk show, ibinunyag ni Anjo na naging sila ni Kris ng tatlong linggo, pero agad din itong natapos matapos ang isang nakakagulat na rebelasyon.
“Nu’ng medyo kami pa… ano lang kami, parang three weeks,” ani Anjo.
Sa kuwento niya, isang araw ay dinalaw niya si Kris at nagdala pa siya ng bulaklak. Ngunit laking gulat niya nang makita ang isa pang bouquet sa bahay ni Kris.
“Dumalaw ako sa kanya, nagdala ako ng flowers. Sabi ko, ‘Kanino galing ‘yang roses na ‘yan?’ Sabi niya, ‘Oh, it came from Robin [Padilla],’” salaysay ni Anjo.
Agad siyang nagtanong, “Nanliligaw ba sa ‘yo si Robin?”
“‘He’s my boyfriend,’” sagot umano ni Kris sa kanya.
Hindi pa rito nagtapos ang pagkabigla ni Anjo. Nang muling tanungin niya si Kris kung paano mangyayari iyon, ito raw ang sagot ng TV host-actress: “Yeah, including Aga [Muhlach].”
Tawang-tawa si Snooky sa buong kwento, at si Anjo man ay hindi rin napigilang matawa habang inaalala ang mga pangyayari.
Bagamat maikli ang naging ugnayan nila ni Kris, sinabi ni Anjo na wala siyang sama ng loob at tinanggap niya ang sitwasyon bilang bahagi ng kanilang kabataan. “Nabaliw ako nun,” biro pa ni Anjo.
Ang kwentong ito ay nagbigay aliw sa mga tagasubaybay ng programa ni Snooky, at muling nagpapaalala kung gaano kasaya at ka-kulay ang mundo ng showbiz noong dekada ’90—puno ng kwelang alaala at hindi malilimutang mga sandali.











Be First to Comment