Press "Enter" to skip to content

Lilian Velez – Sikat na aktres noon na pinasslang ng ka-loveteam

  • Ang mapait na sinapit ng buhay ni Lilian Velez sa kamay ng ka-loveteam na si Narding Anzurez
  • Pinaslang ni Anzurez si Lilian bunsod ng galit at selos
  • Nakulong si Anzurez pero pinalaya matapos lamang ang pagkakakulong ng ilang buwan
  • Dalawang buwan matapos lumaya, siya ay binawian din ng buhay

Si Lilian Velez ay ipinanganak noong March 3 1924 sa Cebu City. Isa siya sa kilalalng aktres noong dekada 30.

Isa ang kanyang storya sa mga hindi malilimutan sa showbiz industry. Ito ay dahil sa maaga niyang pagpanaw dulot ng kapwa niya artista.

Nakilala si Lilian sa showbiz matapos niyang magwagi sa amateur singing contest sa isang programa sa radyo noong kalagitnaan ng dekada 30’s bago pa man sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Lalo pang sumikat si Lilian nang awitin ang kantang may pamagat na “Sa Kabukiran” na nilikha ng kanyang ama na si Manuel Velez na kinilala noon bilang isa sa mga mahuhusay na kompositor ng kanyang panahon. 

Matapos ang digmaan, muling umarangkada ang mundo ng pagtatanghal at pelikula. Ito ang simula ng muling pagsikat ni Lilian. Mismong ang kanyang asawang si Jose Climaco ang nagdirek ng kanyang mga unang pelikula.

Dito na pumasok sa eksena ang pangalang Bernardo “Narding” Anzurez. Isang dating child star na nasa dugo na ang pagiging artista dahil ang kanyang mga magulang na sina Miguel Anzures at Rosa Aguirre ay nasa larangan din ng pag-arte. 

Naging kapareha ni Lilian si Anzurez sa mga mga pelikula. Kabilang na dito ang ‘Binibiro Lamang Kita,’ at ‘Ang Estudyante’ na ipinalabas noong taong 1947.

Bunsod ng madalas na pagsasama ng dalawa, nahumaling si Anzurez kay Lilian kahit pa batid nito na may asawa na ang aktres.

Noong 1948 ipinareha si Lilian kay Jaime dela Rosa para sa pelikulang Engkantada at hindi ito nagustuhan ni Anzurez. Nagselos ito at hindi matanggap ang naging desisyon ng LVN Pictures na ipareha sa iba si Lilian.

Ang matinding pagkahumaling sa aktres ang naging mitsa sa paggawa ni Anzurez ng kahindik hindik na krimen.

Noong June 26, 1948, pinaslang ni Anzures si Lilian, 24, sa sarili nitong bahay.

Matapos ang imbestigasyon, napag-alaman na noong June 26, 1948 dakong ala una ng madaling araw, sinadya ni Anzurez ang tahanan ng pamilya ni Lilian. Kumatok ito sa tahanan ng mga Climaco pero hindi siya pinagbuksan.

Bunsod ng inis dahil hindi makapasok ng bahay, pinuwersa na nito ang pagbukas ng pinto gamit ang kanyang hunting knife. 

Bago pa harapin ni Lilian si Anzurez, binilin muna nito ang anak na si Vivian sa kanyang kasambahay at inutusan na manatili lamang sa loob ng kwarto.

Nang magharap ang dalawa, isinagawa ni Anzurez ang mga binalak. Pilit nitong inaangkin si Lilian pero nagpumiglas ang aktres at nadapa. Dito na umano inumpisahan ni Anzurez undayan ng mga saksak ang aktres.

Sa kabila nito, nagawa pa ni Lilian ang bumangon at tumakbo papunta sa kanyang silid. Sa puntong iyon, narinig naman ng mga saksi ang baguhang katulong na si Pacita na sumisigaw ng katagang ‘tulong.’

Hindi pinaligtas ni Anzurez ang nasabing katulong at ito ay pinukpok sa ulo at pinagsasaksak.

Kaagad na tumakas si Anzurez matapos mahimasmasan sa ginawang krimen.

Samantala, hindi naman nailigtas ang buhay ni Lilian at ng kanyang katulong na si Pacita. Sila ay tuluyang pumanaw dahil sa mga tinamong saksak sa katawan.

Dahil sa krimeng naganap, kaagad na pinaghahanap ng kapulisan ang Kriminal na si Anzures. Alas siyete kinse ng umaga nang ito ay sumuko. Paliwanag niya, wala umano siyang galit sa pamilya Climaco at wala umano siya sa sarili nang gawin ang krimen. 

Sinentensiyahan ng ‘Double Life Imprisonment’ si Anzures at pinagbayad ng tig-limang libo sa mga pamilya ng mga biktima. 

Sa Muntinlupa binuno ni Narding ang kanyang sintensiya, pero noong taong 1949 dinapuan ito ng tuberculosis. Maswerte naman itong nabigyan ng pardon ng dating Pangulong Elpidio Quirino at siya ay nakalaya.

Dalawang buwan matapos lumaya siya ay pumanaw rin sa edad na 21 dahil sa komplikasyon ng sakit na tuberculosis.

Be First to Comment

Leave a Reply

Discover more from Sikat Trendz

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading