
- Raul Dillo na kilalang Pinoy Frankenstein nagbahagi ng ilang personal na detalye hinggil sa kanyang buhay noon at ngayon
- Ayon kay Raul naging player siya ng University of the East ngunit dahil sa isang insidente kaagad na naputol ang kanyang pangarap na maging isang basketbolista
- Ibinahagi din nito ang tunay na dahilan kung bakit hindi siya nakaipon ng pera noong kanyang kapanahunan sa paggawa ng pelikula
Sa programang ‘Tao po,’ binisita ni Karen De Guzman ang kalagayan ngayon ng binansagang “Pinoy Frankenstein” na si Raul Dillo.
Nakilala si Raul sa mga karakter bilang higante at kapre sa mga pantelebsiyong palabas at pelikula. Siya rin ang tinaguriang “Pinoy Frankenstein” ng Pilipinas.
Sa pagbisita ni Karen ay ipinakita ni Raul ang loob ng kanyang tahanan. Mapapansin na maliit ito pero dito umano sila nakatira ng kanyang pamilya. Binanggit niya pa na pinagtitiyagaan nila ang barung-barong na ito para lamang makaraos sa buhay.
Tubong Mabaste si Raul pero nangungupahan siya ngayon sa Biñan, Laguna kasama ang kanyang asawa at dalawang anak.
Ayon kay Raul siya ay unang nanirahan sa Paco, Maynila. Aniya, umabot sa 15 taon siyang nanirahan doon at kalaunan ay nakabuo ng pamilya.
Nagkaroon din nang pagkakataon na nagpalipat-lipat sila ng tirahan dahil sa kagustuhan na magkaroon ng magandang buhay.
Nadiskubre si Raul sa isang larong basketball dahil na rin sa tangkad nito. Sa height na 7’3, si Raul ay isa sa mga pinakamatangkad na naging basketbolista dito sa Pilipinas. Siya ay naging player ng University of the East at nakapaglaro rin para sa San Juan Knights sa dating Metropolitan Basketball Association noong dekada 90.
Ganun pa man, mabilis natapos ang karera niya sa isport dahil sa isang insidente na nangyari sa loob ng court habang naglalaro. Nagkaroon umano siya ng injury sa bandang tuhod at ito ay nakaapekto sa kanyang malayang paggalaw.
Ayon kay Raul, may mga pintong nagsara pero may mga nagbukas din ng oportunidad para makilala siya sa mundo ng telebisyon at pelikula.
Hindi umano naisip ni Raul na siya ay magiging artista dahil hindi niya ito pinangarap kahit minsan. Kung matatandaan, sunod-sunod ang pagdating ng mga proyekto noon kay Raul at nabigyan ng ibat-ibang roles sa horror at comedy films.
Sa kabila nito, hindi ito nagkaroon ng pagkakataon na makaipon ng pera dahil hindi naman umano malaki ang talent fee niya noon. Kalaunan ay humina na rin ang pagdating trabaho kasabay ng pagkahina ng kaniyang kalusugan.
Nagkaroon umano siya ng sakit at dumating sa punto na hindi niya alam kung saan niya kukunin ang perang pambayad sa ospital dahil sa kahirapan.
Para naman matustusan ang pangangailangan ng pamilya sa araw-araw kahit may iniindang sakit ay nagtiyaga siyang maglako ng mga pagkain at mamasada ng tricycle.
Kung matatandaan, taong 2023 nang magtrending si Raul. Ito ay matapos niya manawagan ng tulong sa actor-director na si Coco Martin. Hiling ni Raul, sana ay mabigyan siya ng trabaho ni Coco tulad ng ibang artista na wala nang proyekto.
Tinugunan ito ni Coco at siya ay nakapasok sa seryeng FPJs Batang Quiapo. Hindi naman nagtagal ang role niya sa nasabing serye kaya naman sumubok din siyang pumasok sa mundo nang vlogging.
Pinasok umano ni Raul ang pagiging isang content creator sa pag-aakalang magiging susi ito para makaahon sa hirap pero siya ay nabigo.
Sa huli binanggit ni Raul na bagaman naghihirap siya sa buhay, masasabi niyang lumaban siya ng parehas.
“Tumanda man ako mawala man ako sa mundong ito, mare-realize ng tao na lumaban tayo ng parehas, hindi bagama’t hindi ko naibigay yung lahat sa kanila pero itinaguyod ko sila at hindi ko sila pinabayaan, minahal ko yung pamilya ko,” pagtatapos ni Raul.





Be First to Comment