
- Beteranong aktor na si Leo Martinez hindi nagustuhan ang nilalaman ng Eddie Garcia Bill
- Hindi umano nito binibigyan ng proteksyon ang mga manggagawa sa entertainment industry
- Pabor lamang umano ito sa mga network at producer
- Hindi umano nito nabigyan ng saysay kung bakit isinulong ang Eddie Garcia Bill
Trending ang pinakabagong video ng beteranong aktor na si Leo Martinez. Dito ay mapapanood siya sa kanyang alter ego bilang si Congressman Manhik-Manaog.
Sa nasabing video, mababatid na hindi pabor ang aktor sa nilalalaman ng Eddie Garcia Bill. Sa halip, binatikos niya ito dahil mas pinuprotektahan nito ang mga network at producer at hindi ang mga artista.
Kung matatandaan, isinulong ang Eddie Garcia Bill noong sumakabilang buhay ang beteranong aktor na si Eddie Garcia habang nasa taping ng isang teleserye GMA Network noong June 2019.
Hinihintay na lamang ang lagda ni President Bongbong Marcos sa naturang bill upang ito ay tuluyan nang maging batas.
Panimula ni Leo Matinez, “Akala ko ba, ang Eddie Garcia Bill na yan ay para sa mga manggagawa? Eh, bakit ang sa tingin ko ay mas kampi ang Eddie Garcia Bill sa mga networks at producers kaysa sa manggagawa!“
Sobra umano ang working hours na itinalaga para sa mga manggagawa na 70 hours.
“Sinabi na naman ng DOLE (Department of Labor and Employment), na ang working hours na nakatalaga sa Labor Laws for local and ILO Convention ay in terms of maximum working hours per week – 40 hours standard, plus 8 hours maximum overtime, for a total of 48 hours maximum per week.
Eh, bakit yang Eddie Garcia Bill is sobra-sobra? Sixty hours daw ang maximum! Pero pag kinompyut mo ang 14 hours times 5 days, equals 70. O, e, di mali ang arithmetic, labag pa sa batas.”
Ayon pa sa aktor, wala rin umanong binanggit sa bill na provision para sa mga senior citizens na 8 hours lamang ang trabaho.
“At bakit naman nawala yung provision for senior citizens na dapat ay 8 hours lang ang trabaho, sabi ng DOLE? Anong nangyari? Bakit?
“Tapos, kung ang 14 hours na trabaho ay para sa lahat ng mga manggagawa, e, papaano naman yung mga nadating bago dumating ang mga artista, mas maaga dumating sila, at mas huli pa ang pack-up?
“Eh, di 16, 17, 18 hours na ang trabaho nila? Okay pa ba ‘yon? Okey ba ‘yon sa inyo? Bakit? Ano ba ang nangyari?
“Bakit pa natin ginising si Eddie Garcia kung ganoon rin lang at wala namang pagbabago? Bakit?!”
Sa usaping Intellectual Property Law, tila hindi rin umano pumapabor ang nasabing bill sa mga artista kundi sa mga producers at network.
“Sinabi na sa ating Intellectual Property Law na ang artista ay maaaring sumingil ng hindi hihigit ng 5 percent ng kanilang original daily talent fee tuwing ire-replay ang kanilang ginawang pelikula o TV show.
“Samakatuwid, kung Php1,000 ang iyong daily talent fee, eh, dapat, Php50 ang dapat na ibayad sayo sa tuwing ire-replay ang ginawa mo. ‘Yan ang sabi sa batas.
“Pero bakit ang Eddie Garcia Bill, eh, kumampi na naman sa mga networks at producers? Sinabi nila na ang renumeration daw ay DEPENDE sa pag-uusap ng producer at artista? Mali! Labag sa batas yan!
“At ere pa ang matindi, sabi ng Eddie Garcia Bill, lahat daw ng intellectual property rights ay puwede ilipat o ipasa sa producer sa pamamagitan ng kontrata. O, mali yon!“
Sa huli sinabi ni Leo Martinez na ang Eddie Garcia Bill ay “magulang.” Ginugulangan umano nito ang mga manggagawa para bigyan ng pabor ang mga network at producer.
“Kaya ngayon, in conclusion… ladies and gentlemen, ang pakiwari ko, eh, napaka… ‘very parent’ yang Eddie Garcia Bill na yan.
“Parent, magulang! Ginugulangan ang mga manggagawa para ibigay sa mga network at producer.
“Aba’y wag naman! Maawa naman kayo sa mga manggagawa ng sining at telebisyon. Sila naman ang kampihan ninyo. Hindi ba?”





Be First to Comment